RESOLUSYON SA RECOUNT PINABIBILISAN NI VP NOLI SA PET
13 June 2006
HINILING kahapon ni
Vice-President Noli 'Kabayan' De Castro sa Presidential Electoral Tribunal
(PET) na magsagawa ng partial determination sa validity ng election
protest ni Loren Legarda base sa resulta ng rebisyon ng mga balota mula sa
Cebu at muling pagbibilang ng mga balot returns mula sa Lanao del
Sur upang mapabilis ang resolusyon ng naturang protesta.
Sa
pamamagitan ng mga abogado ni De Castro na sina Atty. Romulo Macalintal,
Atty. Alberto Agra at Atty. Armando Marcelo ng AMPGP Law offices, sinabi
ng pangalawang pangulo na karamihan sa kanyang 800,000 vote-lead ay
nagmula sa Cebu.
Ayon kay De Castro, nasa 97% complete na ang
pagrebisa ng mga balota sa Cebu nuong June 9 at posible na itong matapos
ngayong linggo.
Sa kanyang mosyon, ipinakita ni De Castro na
ang kanyang lamang kay Legarda ay ni hindi man lang naapektuhan bagamat
90% ng mga balota ng una ay tinanggihan ng dating
senadora.
Ipinaliwanag ng mga abogado ni De Castro na ang naturang
partial determination ay pinahihintulutan ng PET at maaari nitong iwasan ang
pagpresinta ng napakaraming dokumento sa isang bulto at ang pagsusuri ng
milyun-milyong balota na inirereklamo na hindi naman posibleng madesisyunan
ng PET kaagad.
Ipinanukala ng mga abogado ni De Castro na magkaroon ng
preliminary hearing kung saan ang dalawang partido ay pwedeng magsumite ng
lahat ng kani-kanilang ebidensiya para sa Cebu at muling pagbibilang
ng returns sa Lanao del Sur upang mabigyan dahilan kung bakit dapat o
hindi na ipagpatuloy ang protesta.
Ipinaliwanag ng mga abogado na may
7,744 presinto at may mahigit isang milyong balota ang nagamit sa
Cebu nuong May 2004 polls. Dahil ang bawat presinto ay nirebisa, may
kabuuang 7,744 revision reports ang inihanda kung saan ang bawat report ay
may pitong pahina o di kaya'y 54,208 pahina para sa kabuuang revision
report. At dahil 20 kopya ang kinakailangang i-file para sa bawat set ng
revision report, nangangahulugan na may 1,084,160 piraso ng mga kopya na
naturang papeles ang dapat maisumite ni De Castro at ni Legarda sa PET para
sa eksaminasyon.
Sa pamamagitan ng ganitong mungkahi, nilinaw ng
mga abogado ni De Castro na dahil sa may mahigit isang milyong balota na
inirereklamo sa Cebu pa lang at sa dami ng mga dokumento ng ebidensiya na
kinakailangang ihanda, matatabunan ang PET ng napakaraming papeles kung
saan hindi pa rito kabilang ang mga dokumento at balota kung maghihintay ang
PET ng resulta ng rebisyon sa Pampanga at Maguindanao na bahagi ng
pilot protested provinces ni Legarda.
"With this proposal, we are
confident that the resolution of this election protest could be expedited. The parties would not be pressed for time in photocopying and presenting
their respective voluminous evidence. The submission of a great volume of
evidence from other provinces would be avoided and the parties could save
from expenses for photocopying of these documents and from the
daily salaries and allowances of revisors", ani Macalintal at Agra.
Ref no. VPMEDIA 06-067