PROTESTA NI LOREN AMPAW NA,
ABALA PA
10 November 2005
AMPAW na, abala pa.
Ito ang reaksyon ng kampo ni Vice President Noli ‘Kabayan’ De Castro sa
umano’y pinakahuling kapalpakan ni dating senadora Loren Legarda
kaugnay ng kanyang electoral protest laban sa pangalawang pangulo.
Dahil sa isinampang mosyon ni Legarda sa Presidential Electoral
Tribunal (PET) na bawiin ang bahagi ng kanyang protesta, naudlot ang
pagsisimula ng bilangan ng election returns, ayon kay lawyer Armando
Marcelo ng Andres Marcelo Padernal Guerrero and Paras (AMPGP) Law
Offices, legal counsel ni De Castro.
“Akala ko ba siya ‘tong nagmamadali na umusad ang kaso pero siya pa
ang nagiging dahilan upang bumagal ang proseso ng batas at mabigyan ng
linaw ang protesta na isinamapa niya laban sa pangalawang pangulo,”
ani Marcelo.
Sinabi ni Marcelo na ang naturang mosyon ay patunay lamang na walang
basehan ang mga inireklamo ni Legarda at iniiwasan lamang nito na
lumabas ang katotohanan na si De Castro ang tunay na nanalo sa
nakaraang halalan sa pagkabise-presidente.
“Kung sa bagay, bakit niya naman kasi pabubuksan ang mga election
returns kung saan lilitaw na natalo siya? Di ba nakakahiya lang
yun?.Ang masama, siya pa ang nagreklamo.” he said.
Nauna dito, sinuspindi ng Supreme Court na tumatayong PET ang
pagsisimula ng muling bilangan ng election returns dahil na rin sa
mosyon ni Legarda na ilaglag na lamang sa kanyang protesta ang may
dalawampu’t isang bayan na karamihan ay nasa Lanao Del Norte at Surigao
Del Sur.
Hindi pa malinaw sa PET ang pagtatakda ng bagong petsa para sa bilangan
ng election returns.
Samantala, isinabahala na lamang ni De Castro ang electoral protest ni
Legada sa PET at sa kanyang mga abogado.
Ayon kay De Castro, mas makikinabang ang sambayanang Pilipino kung
igugugol na lamang niya ang kanyang oras a pagtupad ng kanyang
tungkulin na kasalukuyang nakatuon sa pambasang programa sa pabahay.
Ref
no. VPMEDIA 05-170