Ms. Ronadale Zapata
83321148/8334507
MGA TAGA-NORTH RAIL
PABOR SA RELOKASYON
21 October 2005
Karamihan ng mga pamilya sa
North Rail ay nagboluntaryo na para mailipat sa mga resettlement sites,
tanda nang malawak na pagtanggap sa isinasagawang relokasyon ng mismong
mga taong apektado nito.
Ito ang inihayag ni Bise
Presidente Noli “Kabayan” De Castro, chairman ng Housing and Urban Development
Coordinating Council (HUDCC), at Federico Laxa, General Manager ng
National Housing Authority (NHA) sa kanilang ginawang pag-uulat
kamakailan sa media at mga people’s organizations.
Ayon kay Laxa, sa kabuuang
21,036 pamilyang apektado ng paglilinis sa mga gilid ng riles sa Metro
Manila at Bulacan ay 13,843 pamilya na ang nagboluntaryo para sa
relokasyon.
Nasa 10,707 na ang nailipat sa
anim na resettlement sites na tinaguriang Northville 1 hanggang 6.
Sa Bulacan, kung saan
kasalukuyang ipinapatupad ng relokasyon matapos ang
sa Kalookan, Malabon at Valenzuela, may 6,546 pamilya nang
nagboluntaryo at 3,410 na sa mga ito ang nailipat.
“Ipinapakita lamang nito ang
ganap na pagtanggap ng mga tao sa relocation sites, kumpara sa
kasalukuyang nilang tinitirhan,” ani Laxa.
Inaasahang mas marami pa ang
magboboluntaryo sa mga susunod na araw habang patuloy ang relokasyon at
ang pagtutok ng HUDCC at NHA sa kalagayan ng mga apektadong pamilya.
Inaasahang matatapos ang relokasyon hanggang Malolos ngayong buwan ng
Oktubre.
Sinabi ni De Castro na isang
dahilan sa magandang pagtanggap ng mga tao sa relokasyon ay ang
pagkakaroon nila ng partisipasyon sa pagpili ng mga lugar na
paglilipatan.
“Ang tawag natin dito ay
“beneficiary-led,” kung saan yung mga nire-relocate ay kinokonsulta ng
bawat Local Inter-Agency Committee (LIAC), at sila mismo ang pumipili
kung saan nila gustong lumipat,” aniya.
Idinagdag pa ng Bise Presidente
na hindi magkakaroon ng problema sa kanilang hanapbuhay ang mga
pamilyang inililipat, lalo na sa mga taga-Bulacan, dahil malapit lamang
ang relocation sites na pawang wala pang limang kilometro ang layo mula
sa mga komunidad sa riles.
“Ito
ay in-town o in-city kaya hindi sila malalayo sa kanilang trabaho, kung
may trabaho man sila,” ayon kay De Castro.
“Pipirma rin kami ng memoradum
of agreement sa TESDA, at may
mga iba pang private organizations na tumutulong para turuan sila ng
livelihood skills, o kaya ay bigyan sila ng puhunan para sa
habapbuhay,” dagdag pa niya.
Ayon naman kay Mayor Ambrosio
Cruz ng Guiguinto, Bulacan, hindi rin dapat ireklamo ang babayaran ng
mga benepisyaryo dahil ito ay napakababa kung tutuusin.
“Kahit saan kayo umikot, ang
bayad sa isang kuwarto lang ay isang libo kada buwan, at iyan ay upa pa
lang. Dito ay P200 lamang, magiging iyo pa,” aniya.
Ang P200 ay siyang babayaran
kada buwan ng bawat pamilya sa unang limang taon, na itataas sa P761.20
kada buwan hanggang sa ika-30 taon.
Inayunan ito ni Fr. Nonong
Fajardo, Deputy Executive Director ng Homeless Peoples Federation, isa
sa mga people’s organizations na aktibong tumutulong sa mga taga-North
Rail.
Ayon kay Fajardo, ang pagtupad
sa obligasyon ng mga benepisyaryo ay nagpapakita ng “dignidad sa
pagbabayad.”
Idinagdag rin niya na isa pang
sikreto sa pagpabor ng mga tao sa relokasyon ay dahil “binabaan sila ng
impormasyon at inihanda sila bago dumating yung takdang panahon.”
“Binigyan sila ng halaga sa
pamamagitan ng pakikipag-usap, hindi lamang ng NHA personnel na yung
Linggo ay ginagawang ordinaryong araw, kundi ng mga LGU na talagang
nakatutok,” aniya.